Nagsagawa ang Red Cross Youth, isang organisasyong pang mag-aaral ng Hua Siong College of Iloilo (HSCI) ng dalawang magkasunod na kaganapan na pinangunahan ng Youth Volunteer Formation Course noong Oktubre 7-8, 2023, at ang Emergency First Aid Training noong Oktubre 14, 2023 sa Irene Ang Jun Teng Uygongco Auditorium, HSCI Main Campus.
Mayroong 164 na kalahok, na binubuo ng mga mag-aaral na nagmula sa departamento ng Junior High School at Senior High School ng Main at Ledesco Campuses na nakibahagi sa paghubog sa kanilang kasanayan at pagdaragdag ng kaalaman.
Bago maitakda bilang opisyal na Red Cross Youth officers ay kailangan munang dumaan sa dalawang pagsasanay na kinabibilangan ng Youth Volunteer Formation Course (YVFC) at Emergency First Aid Training.
Nagbahagi si Ginoong John Paul Supapo, isa sa mga tagapangasiwa ng programa, “Bilang isang kabataan ng kasalukuyang panahon, kinakailangan na ang mga mag-aaral ay magkaroon ng iba’t ibang pagpapahalaga tulad ng empatiya, komunikasyon, at pagtutulungan.”
Ang mga nabanggit na pagpapahalaga ay ilan sa mga natutunan nila mula sa YVFC. Bukod dito, ang pagsasanay sa pangunang lunas ay nagbibigay din sa mga nag-aaral ng mga kasanayan at kaalaman sa pagliligtas ng buhay na hindi nabibigyang-tuon sa loob ng silid-aralan.
Ang mga tagapangasiwa ng Red Cross Youth Organization ay naghanda rin ng ilang mga pangkatang gawain katulad ng pagkatuto ng tamang proseso ng paggamit ng bandage at iba pang mga pangunang lunas na may layuning makasagip ng buhay.
Dagdag pa ni G. Supapo, “Ang dalawang pagsasanay ay parehong mahalaga sa ating mga mag-aaral dahil hinuhubog nito ang mga bata upang maging mas mabuting mamamayan ng bansa. Ang Values Formation Program ay nagpapaalab sa pagpapahalaga tulad ng volunteerism. Ang pagsasanay sa pangunang lunas ay hindi lamang mapakikinabangan ng mga mag-aaral kundi ng lipunan. Ito ay isang paraan upang matiyak ang isang ligtas na kapaligiran at para maipakita na ang ating paaralan ay nagtataguyod ng kaligtasan.”
Ang lahat ng kalahok na nakibahagi ay naging opisyal na miyembro ng Senior Red Cross Youth Council ng paaralan, ngunit higit sa lahat, sila ay nakadagdag pa lalo sa kanilang kaalaman at na maaaring magamit nila sa oras ng pangangailangan.